Tuesday, May 13, 2008

kutob

ang mga hayop ay pinagkalooban ng natatanging talento upang makaramdam ng nagbabadyang panganib. sila kadalasan ang unang nakakaalam kung mayroong bagyo o lindol na sasalanta sa isang lugar. hindi man tayo ganito ka sensitibo sa mga natural na elemento, ang iba'y pinagkalooban naman ng natatanging pakiramdam - ang kutob.

ngunit ano nga ba ang kutob? isa ba itong babala sa mga maaaring mangyari kinabukasan? isang patikim sa katotohanang hindi mo gustong malaman?

minsan ang kutob ay dulot ng paulit ulit na masasamang pangyayari sa ating buhay. kapag nagsisimula ang isang pangyayaring naranasan na natin dati, nagkakaroon tayo ng preconceived notions na alam na natin ang kasunod na hahantungan. kapag ang isang maybahay ay nahuling may kasamang iba ang kanyang asawa, sa susunod na pagkakataon ay magkakaroon na siya ng kutob sa tuwing ginagabi ng uwi ang kanyang mister.

kung sa ganitong sitwasyon natin ibabase, may parehong mabuti at masamang dulot ang kutob. bagamat ang kutob ay naghahanda sa atin sa anumang masamang mangyari, ginagawa tayong praning ng kutob at nahihirapan nang magtiwala. kapag nagkamali ang kutob, nahihirapan tayong tanggapin ang katotohanan kahit na ito'y nakaharap at nakatitig na sa ating mukha.

natutulungan man tayo ng kutob, hindi niya naibibigay ang tamang sagot o solusyon sa mga pangyayari sa ating buhay.